FA-50PH fighters, may malaking papel sa liberasyon ng Marawi – AFP

INQUIRER FILE PHOTO

“Game changer.”

Ganito isinalarawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Philippine Air Force (PAF) at ang mga bagong FA-50PH jet fighters sa naging bakbakan sa Marawi City.

Sa kanyang talumpati sa Marawi Air Campaign Commemoration sa Edwin Adrews Airbase sa Zamboanga City, sinabi ni AFP chief-of staff Gen. Carlito Galvez na maaaring mas malaki pa ang nawala sa gobyerno kung wala ang suporta ng Philippine Air Force at ng jet fighters.

Anya, kahanga-hanga ang naging pagtugon ng air warriors na lumipad buong araw sa kasagsagan ng giyera para lamang maibigay ang suporta sa militar sa battleground.

Kung wala anya ang magagaling na piloto, air crew at air controllers ay maaaring mas marami pa ang naging casualty ng giyera.

Ani Galvez, ang paglipad ng FA-50 ay paglipad tungo sa tagumpay.

“The roar of the FA-50(PH) is the roar to victory. The PAF is the ‘game changer’ during the Marawi campaign. I’m impressed with the air warriors for flying day and night just to provide all the needed support of our troops on the ground during the entire campaign. Without our very skilled, focused and hard working pilots, air crew and air controllers, our casualties could have been more,” ani Galvez.

Nasa 165 pulis at sundalo ang nasawi sa halos limang buwang pakikipagbakbakan sa ISIS-inspired Maute Terror group.

Ang FA-50 jets ay binili sa Korea Aerospaces Industries sa halagang 18.9 bilyong piso sa ilalim ng AFP modernization program na nagsimula noong administrasyon ni Noynoy Aquino.

Read more...