North Korea summit maaari pa ring maganap sa June 12 – Trump
Kahit nag-anunsyong kanselado na ang nakatakdang pulong kasama ang North Korea sa Singapore sa June 12, sinabi ni US President Donald Trump na maaari pa rin naman itong matuloy.
Sa isang pulong balitaan sa White House, iginiit ni Trump na titingnan ang maaaring gawin tungkol sa sitwasyon at mayroon umanong nagaganap na pag-uusap ngayon ang dalawang panig.
Ani Trump, gustong-gusto ng North Korea na ituloy ang pulong.
Matatandaang noong Huwebes, kinansela ni Trump ang pulong kay North Korean leader Kim Jong Un dahil umano sa mga pahayag na binitawan ng NoKor laban sa US.
Samantala, nanghihinayang naman si South Korean President Moon Jae-in na hindi na matutuloy ang makasaysayan sanang summit sa Singapore.
Batay sa ilang mga ulat, hindi alam ni Moon ang desisyon ni Trump bago pa ito ianunsyo gayong ang South Korea ang unang nagpaalam sa US nang kahandaan ng NoKor na disarmahan ang kanilang nuclear weapons.
Samantala, nanawagan naman si United Nations Secretary General Antonio Guterres sa US at NoKor na huwag sukuan ang isa’t isa at kailangan lamang manatiling kalmado sa sitwasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.