Suportado ng Malakanyang ang pasya ng Department of Justice o DOJ na tuluyan nang alisin si Janet Lim Napoles sa ilalim ng Witness Protection Program o WPP.
Sa isang statement, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na kinakatigan ng Palasyo ang pasya ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Ani Roque, sang-ayon din sila na ang tinaguriang Pork Barrel scam queen ay hindi “least guilty” sa kaso at ang kanyang testimonya ay hindi naman kailangang-kailangan lalo’t may iba namang mga testigo na maaaring makapagbigay ng mas mabigat na salaysay.
Nauna nang sinabi ni Secretary Guevarra na ang desisyong tanggalin ang provisional coverage kay Napoles sa Witness Protection Security and Benefits Program ay batay sa naunang pagbasura ng 1st ,3rd at 5th division ng Sandiganbayan sa urgent motion for transfer of custody sa DOJ witness protection, na inihain ng kampo ng businesswoman.
Dagdag ni Guevarra, moot and academic na ang coverage kay Napoles sa WPP dahil wala namang nakitang basehan sa sinasabing banta sa buhay nito sa Camp Bagong Diwa.
Si Napoles, na itinuturong mastermind ng Pork Barrel anomaly, ay nahaharap sa kasong plunder at graft sa Sandiganbayan.
Si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang naglagay kay Napoles sa provisional coverage sa WPP.