Hustistya sa SAF 44, mabagal-FVR

Inquirer file photo

Binatikos ni dating Pangulo Fidel V. Ramos ang pamahalaan dahil sa kawalan pa rin ng hustisya para sa Special Action Force 44 na nagbuwis ng buhay sa engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.

Sa isang pahayag sa paglulunsad ng “First FVR Golf Classic”, inilabas ni FVR ang kaniyang pagkadismaya dahil hanggang ngayon, hindi pa rin natutukoy at napapanagot ng Department of Justice (DOJ) ang mga rebeldeng Muslim at pribadong armadong grupo na responsable sa pagkamatay ng SAF 44.

Ang nasabing golf tournament ay inorganisa ng mga retiradong heneral upang makalikom ng pondo na ipangtutulong sa pag-aaral ng mga naulilang anak ng mga miyembro ng SAF 44.

Ayon pa kay Ramos, mistulang niloloko na lang ng gobyerno ang mga mamamayan lalo na ang mga biktima at mga pamilya dahil aniya bigla na lang nawalan ng follow up ang mga kasong may kaugnayan sa insidente.

Isa na sa mga tinutukoy ni Ramos ay ang pagsampa ng kaso sa 90 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at ng mga pribadong armadong grupo.

Binatikos rin niya si Pangulong Benigno Aquino III bilang Commander-in-Chief dahil aniya, hindi man lamang nito magamit ang kaniyang kapangyarihan na pakilusin lahat ng mga tauhan ng gobyerno para matukoy na kung sinu-sino ba talaga ang mga dapat managot sa Mamasapano incident.

Dagdag pa niya, mas madali sa DOJ na gawin ang pagtutukoy sa mga rebeldeng hinahanap nila kung magtatanong sila sa mga lokal na pamunuan sa Maguindanao dahil paniguradong kilala nito ang mga dapat tukuyin.

Read more...