Nagdeklara na ng State of Calamity ang lokal na pamahalaan ng Malabon sa Barangay Catmon matapos ang sunog na tumupok sa mahigit 450 kabahayan kung saan apektado ang nasa 1,000 pamilya.
Ayon kay Malabon City Public Information Office Bong Padua, inaprubahan ng Malabon City Council ang deklarasyon ni Mayor Len Oreta sa State of Calamity pasado alas-9 ng gabi.
Layon nitong madagdagan ang tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan sa mga apektadong residente.
Tinatayang nasa 4.5 milyong piso ang halaga ng mga ari-ariang natupok ng sunog na pawang gawa sa light materials.
Nagsimula ito ng tanghali ng Huwebes at naapula pasado alas-6 na ng gabi.
Umabot sa Task Force Bravo ang alarma ng sunog ayon sa Bureau of Fire Protection kung saan tinitingnan ang anggulo ng iligal na koneksyon ng kuryente bilang pinagmulan ng apoy.
Samantala, nagsisiksikan ngayon sa covered court ng Barangay Catmon ang mga residente.
Agad na nagpadala ng pagkain ang City Social Welfare Development para sa mga ito habang inihahanda ang relief goods na kanilang kakailanganin.