Blacklisted na Chinese company na kasama sa Marawi rehab hindi isyu sa Palasyo

Hindi na isyu sa Palasyo ng Malacañanang pagkakasama sa blacklist ng World Bank sa dalawang kumpanya ng China na kasapi ngayon sa rehabilitasyon sa Marawi City.

Sa pulong balitaan sa Marawi, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na naparusahan na ng World Bank ang China State Construction Engineering Corporation at China Geo Engineering Corporation kung kaya nararapat lamang na bigyan na sila ng ikalawang pagkakataon.

Taong 2009 nang i-blacklist ng World Bank ang dalawang kumpanya dahil sa pakikipagsabwatan sa local companies sa Pilipinas para maniobrahin ang bidding sa road projects na pinondohan ng World Bank.

Aminado si Roque na walang alam si Pangulong Rodrigo Duterte na blacklisted pala ang dalawang kumpanya sa World Bank.

Sa kabila nito, umaapela si Roque sa publiko, maging sa mga kagawad ng media na maging mapagmatyag para masiguro na magiging maayos ang rehabilitasyon sa Marawi City.

Sinabi pa ni Roque na hindi naman tuluyang ipinauubaya ng pamahalaan sa pribadong sektor ang pagsasaayos sa Marawi dahil nakatutok rin ang Task Force Bangon Marami, ang provincial government at ang iba pang sektor ng lipunan.

Read more...