Bagong AFP Vice Chief of Staff, naitalaga na
Matapos ang pagreretiro sa serbisyo ni Lt. Gen. John Bonafos bilang Vice Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kinailangan na nilang kumuha ng kapalit.
Si Maj. Gen. Romeo Tanalgo, hepe ng Philippine Marine Corps ang napiling humalili sa puwesto ni Bonafos.
Bagaman siya na ang naitalagang bagong Vice Chief of Staff ng AFP, mananatili pa rin siyang pinuno ng Marines habang wala pa ring napipiling kapalit niya,
Ayon sa tagapagsalita ng AFP na si Col. Restituto Padilla, sa pag-upo ni Tanalgo sa kaniyang bagong posisyon, mabubuo na ang joint posting ng mga sangay ng Hukbong Sandatahan sa tatlong pinakamatataas na posisyon sa militar.
Ito ay dahil ang nakaupong AFP chief ngayon na si Gen. Hernando Iriberri ay mula sa Philippine Army, habang ang Chief Directorial Staff naman ay si Maj. Gen. Edgar Fallorina na mula sa Philippine Air Force.
Dagdag pa ni Padilla, siguradong malaki ang maitutulong ni Tanalgo sa General Headquarters dahil sa mga karanasan nito bilang respetadong opisyal at magaling na pinuno.
Sa October 19 aabot sa retirement age na 56 si Bonafos ngunit gagawin na ang turnover ceremony sa Camp Aguinaldo sa susunod na Biyernes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.