Nangatwiran si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa nauna nitong pahayag kung saan sinabi nito na ayaw niya na isang babae ang mauupo bilang bagong punong mahistrado, bilang kapalit ni Maria Lourdes Sereno.
Sa talumpati ng pangulo sa inagurasyon ng Davao River Bridge sa Carlos P. Garcia Highway sa Davao City, ay sinabi nito na prim and proper kasi ang mga babae. Aniya, isang tingin lang daw ng mga nanay ay nagiging emosyonal na ang mga ito.
Hindi aniya kaya ng mga babae ang mga threats o banta at intimidation.
Gayunman, sinabi ng pangulo na hindi naman matatawaran ang kakayahan, competence, at kapasidad ng mga babae.
Maging aniya sa mga pulis at sundalo ay hindi siya pabor na isabak sa bundok ang mga babae.
Ayaw din ng pangulo na isinasabak ang mga babae sa operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil kapag pinakitaan ng litrato ng mga anak ng mga drug lord ay tiyak mag-aalangan na umano ang mga ito at malalagay na sa open game.