Human rights group hinamon na maglabas ng ebidensya kontra martial law sa Mindanao

Inquirer file photo

“Tumahimik na lang kayo kung walang ebidensya”.

Ito ang naging bwelta ng Malacañang sa akusasyon ng ilang human rights group na ilang sundalo na umano ang sangkot sa pang aabuso habang umiiral ang Martial Law sa Mindanao region.

Sa pulong balitaan sa Marawi City, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kung wala ring ebidensya na maihaharap ang human rights group ay mas makabubuting huwag nang pagbintangan ang mga sundalo na nagpakabayani, nag alay ng buhay at nagpakamatay para sa inang bayan.

Ayon kay Roque, dapat na maghain ng kaso sa korte ang mga human rights group para malitis at maparusahan ang mga sundalo na nagkasala.

Apela pa ng kalihim sa mga kritiko, huwag sanang pagbintangan ng karahasan ang mga sundalo ng walang pruweba lalo’t marami sa kanila ang nasugatan, nasaktan, nawalan ng kamay, paa at iba pang parte ng katawan.

Tiyak aniyang magagalit ang taong bayan sa mga akusasyon na wala namang sapat na basehan.

Sinabi pa ng opisyal na batid niya mismo na may nakalatag na mekanismo ang Armed Forces of the Philippines para papanagutin ang mga sundalo na lumalabag sa articles of war.

“Kinikilala po natin ang pagiging bayani ng ating kasundaluhan, binibigyan natin po sila ng presumption of good faith, at nasa accusers po yung burden of evidence and burden of proof, nasaan ang ebidensya ninyo”, dagdag pa ni Roque.

Read more...