Isang preso ang patay, anim pa ang nakatakas sa jail break sa Maguindanao

Nasawi ang isang preso habang nakatakas naman ang anim na iba pa sa jailbreak na naganap sa Maguindanao Provincial Jail Huwebes ng madaling araw.

Naganap ang pagtakas ng mga bilanggo pasado 2:00 ng madaling araw sa PC Hill, Barangay Rosary Heights 1.

Sinira umano ng mga preso ang kandado ng kanilang selda sa ikalawang palapag ng gusali at saka dumaan sa hagdan hanggang tuluyan nang makarating ng gate.

Pati ang kandado ng main gate ay sinira ng mga preso at saka pumuga patungo sa direksyon ng Barangay Bagua.

Isang prison guard naman ang nakahabol at pinaputukan ang isa sa mga presong kinilalang si Michael Balitoc na may kasong murder makaraang hindi ito huminto sa pagtakbo nang bigyan ng warning shot.

Ang mga nakatakas na preso ay kinilalang sina Dante Karatuan – may kasong illegal possession of firearms and explosives at illegal drugs; Gole Mangandong, Sindatuk Ampatua, Sadam Montani, Aminodin Maliga at Thorag Sabal, na pawang may mga kaso na may kaugnayan sa illegal na droga.

Tiniyak naman ni Maguindanao Provincial Administrator Adbulrakman Asim na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa kung paanong nakatakas ang mga preso.

Kabilang sa aalamin ay kung nagkaroon ng pagkukulang sa panig ng mga jail guard.

Nanawagan naman ang provincial government sa publiko na agad ipagbigay alam sa mga otoridad kung mamamataan nila ang anim na pugante.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...