DOLE, naglabas ng panuntunan para sa ibibigay na tulong sa mga manggagawa sa Boracay

Naglabas na ng panuntunan ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawa sa Boracay na pagkakalooban ng tulong ng kagawaran dahil sa pansamantalang pagpapasara sa isla.

Ito ay sa ilalim ng Department Order No. 191 na nagdedetalye ng pagpapatupad ng adjustment measures program sa ilalim ng Boracay Emergency Employment Program.

Sa ilalim ng programa, tatanggap ang mga manggagawa sa Boracay na may pormal na trabaho ng pinansyal na tulong, employment facilitation at pagsasanay.

Ang mga apektadong formal sector worker ay pagkakalooban ng kalahati ng umiiral na minimum wage sa Region 6 o P4,205 at ito ay buwanang ibibigay sa loob ng anim na buwan.

Para naman sa mga manggagawa na hindi tumatanggap ng regular na sahod, sila ay pagkakalooban ng 25-percent ng minimum wage sa Region 6 o P2,102, na ibibigay nang lump sum o buo at ang halaga ay para sa loob ng tatlong buwan.

Sa ilalim naman ng employment facilitation, ang mga benepisyaryo ay dapat na ilapit ng DOLE Regional Office sa Public Employment Service Office.

Katuwang naman ng DOLE ang TESDA, Department of Trade and Industry, Department of Science and Technology at Department of Tourism sa pagbibigay ng skills training sa mga apektadong manggagawa para mapataas ang tsansa na sila ay makuha sa trabaho.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...