Ayon kay Pentagon spokesman Lt. Col. Christopher Logan, ang hakbang na ito ng Estados Unidos ay inisyal na tugon nila sa nagpapatuloy na militarisasyon ng Beijing sa South China Sea.
May malinaw aniyang ebidensya na ang China ay naglagay ng mga anti-ship missiles, surface to air missile system at electronic jammers sa pinag-aagawang teritoryo sa Spratly Islands.
Dahil dito, nagpasya ang Pentagon na huwag nang isali ang China sa 2018 Rim of the Pacific (RIMPAC) Exercise.
Ang RIMPAC ay itinuturing na pinakamalaking international maritime exercise sa mundo na ginagawa kada dalawang taon sa Hawaii.
Sa mga nagdaang pagsasanay ay kasama sa nakikilahok ang mga sundalo ng China.
Kaugnay nito nanawagan si Logan sa China na alisin ang kanilang military systems sa South China Sea sa lalong madaling panahon.