Ito ay sa kabila ng paulit-ulit na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang kakayahan ang Pilipinas na makipaglaban o makipag-giyera sa China.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Prof. Rommel Banlaoi, isang eksperto sa usapin sa national security, nananatili ang layunin ng pamahalaan na protektahan ang ating pagmamay-ari sa mga pinag-aagawang isla.
Ani Banlaoi, nakikipagsabayan naman ang Pilipinas sa China sa usapin ng pagigiit sa karapatan sa pagmamay-ari sa South China Sea.
Katunayan sa pinakahuling pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay sinabi ng ahensya na patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang bawat pulgada ng teritoryo ng Pilipinas.
Sinabi ni Banlaoi na kung parehong magmamatigas ang Pilipinas at China sa kani-kanilang posisyon ay malabong magkaroon ng mutual gains.
Ito aniya ang nasa likod ng diskarte ni Pangulong Rodrigo Duterte na kinakaibigan ang China upang kahit sa ibang mga pamamaraan ay pakinabangan ng Pilipinas ang China.