Sec. Guevarra pabor sa mungkahing palawakin ang komposisyon ng JBC sa ilalim ng Cha Cha

Inquirer Photo

Sang-ayon si Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra sa mungkahi ng Consultative Committee (ConCom) na nagrerekumenda ng isusulong na amyenda sa 1987 Constitution na palawakin ang komposisyon ng Judicial and Bar Council (JBC).

Sa ilalim ng kasalukuyang Saligang Batas, ang JBC ang may mandatong tumanggap at magsala ng mga nominado at aplikante para sa mga posisyon sa Hudikatura, Ombudsman at Deputy Ombudsman.

Ayon kay Guevarra, ex-officio member ng JBC, magandang ideya ang repormang ipinapanukala ng ConCom na pinamumunuan ni Retired Chief Justice Reynato Puno.

Nauna nang inihayag ni Puno na nais nilang gawin na ring ex officio members ng JBC ang Ombudsman, at mga chairperson ng Civil Service Commission at Commission on Audit para mapalawak ang pagsala sa mga kandidato.

Naniniwala ang retiradong punong mahistrado na kung madaragdagan ang komposisyon ng JBC ay mas masasala ang qualification at integridad ng mga aspirante sa Hudikatura.

Ang JBC sa kasalukuyan ay mayroong pitong myembro na kinabibilangan ng Supreme Court Chief Justice, kalihim ng DOJ at kinatawan mula sa Kongreso na tumatayong mga ex-officio member habang regular member naman ang isang kinatawan mula sa hanay ng mga retiradong mahistrado, academe, Integrated Bar of the Philippines at mula sa pribadong sektor.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...