Ayon kay Special Assistant to the President Christopher Bong Go, gagawin ng pangulo ang muling pagtungo sa Marawi sa unang anibersaryo na napalaya ang syudad sa mga kamay ng mga teroristang grupo na Maute Group.
October 23 noong nakalipas na taon o 5 buwan matapos ang giyera ay saka lamang nakalaya ang Marawi City sa kamay ng mga terorista sa pangunguna ni Isnilon Hapilon na tumatayong Emir ng ISIS sa Pilipinas at lider ng Abu Sayyaf pati na rin si Omar Maute ng Maute terror group.
Ayon kay Go, mas makabuluhan na puntahan ng pangulo ang araw ng liberasyon ng Marawi dahil ito ang simbolo ng pagbagsak ng mga terorista at tagumpay naman sa panig ng gobeyrno.
Umaasa naman si Go na sa pagtungo ng pangulo sa Marawi sa unang araw ng liberasyon nito sa Oktubre ay nakapagsimula nang muli sa kani-kanilang pang-araw-araw na pamumuhay ang mga residente.
Una rito sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na 70 percent na ng mga residente sa Marawi City ang nakabalik na sa kani-kanilang mga tahanan.