Humirit sa Civil Aeronautics Board ang dalawang local airline companies na payagan silang kumulekta ng fuel surcharges.
Ayon kay CAB legal division head Wyrlou Samodio, pinag-aaralan na nila ngayon ang apela na makapagpataw ng fuel surcharges ang mga airline company.
Noong 2015 ipinagbawal ng CAB ang pagkulekta sa fuel surcharges dahil sa pagbaba naman noon ng halaga ng produktong petrolyo sa world market.
Sa ngayon ani Samodio, pataas ang trend ng halaga ng krudo kaya naghain ng petisyon ang mga airline company para maalis ang pagbabawal sa pagpapatupad ng fuel surcharge.
Hindi naman binanggit ni Samodio kung ano ang dalawang airline companies na naghain ng petisyon. Pero Ani Samodio, kung papayagan nila ang petisyon ng dalawang kumpanya, ang pagpapataw ng fuel surcharge ay iiral din para sa ibang airlines.
Kung sakaling maaprubahan, ang halaga ng fuel surcharge ay dedepende sa ruta, uri ng eroplanong gamit at iba pang usapin.