Paglipat sa mga suspek sa Atio hazing mula NBI tungong City Jail ipinag-utos ng Korte
Ipinag-utos ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang paglipat sa 10 miyembro ng Aegis Juris Fraternity mula National Bureau of Investigation Detention Center patungong Manila City Jail.
Ang mga miyembro ay pawang mga akusado sa malagim na hazing na nagresulta sa pagkamatay ng freshman law student ni Atio Castillo III.
Sa anim na pahinang kautusan ni Manila RTC Branch 20 Judge Marivic Umali, ipinag-utos nito sa NBI na ilipat sa City Jail sa loob lamang ng 48 oras ang 10 Aegis Juris Members na sina Marcelino Bagtang Jr., Arvin Balag, Mhin Wei Chain, Axel Munro Hipe, Joshua Macabali, Oliver Onfore, John Robin Ramos, Hans Matthew Rodrigo, Jose Miguel Salamat at Ralph Trangia.
Ibinasura ng korte ang mosyon ni Trangia na manatili sa NBI detention center alinsunod umano sa Rules of Criminal Procedure.
Gayunman, ayon sa utos ni Umali, ang mga akusadong inaresto ay dapat nasa pinakamalapit na police station o piitan dahil ang NBI Detention Center umano ay hindi naman himpilan ng pulis o piitan.
Ayon pa kay Umali, mandato ng City Jail na magpatupad ng mahigpit na seguridad para sa mga inmates.
Taliwas ito sa iginigiit ng mga miyembro ng Aegis Juris na maaaring manganib ang kanilang buhay at seguridad bunsod ng pambubully at pananakot sakaling mailipat na sa Manila City Jail.
Samantala, sa hiwalay na kautusan ay ipinag-utos din ni Umali sa Manila City Jail warden na dalhing muli ang mga akusado sa korte para sa arraignment na magaganap sa July 24.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.