Bomber planes ng China hindi malayong maipasok na sa EEZ ng Pilipinas
Hindi dapat ipagsawalang bahala ng pamahalaan ang patuloy na militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay dating National Security Adviser at dating Congressman Roilo Golez, palaki ng palaki ang militarisasyon ng China sa pinag-aagawang teritoryo pero walang ginagawa ang gobyerno ng Pilipinas.
May pattern ang ginagawa ng China at maaring ang magiging susunod na hakbang nito ay ipasok na ang mga bomber planes ng China sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Sinabi ni Golez na kung totoo ang iginigiit ng Malakanyang ang pagkakaibigan ng dalawang bansa, hindi dapat inaangkin ng China ang pag-aari ng Pilipinas.
Ang pag-occupy aniya ng China sa karagatang pag-aari ng Pilipinas ay hindi maituturing na gawain ng isang tunay na kaibigan.
Sinabi pa ni Golez na ang eroplano na dinala ng China sa West Philippine Sea ay kayang magdala at magpakawala ng nuclear weapon.
Ito aniya ang dahilan kaya ang ibang mga bansa ay nagpapahayag na ng pagkabahala, gayong ang Pilipinas na siyang nagmamay-ari ng teritoryo ay nananahimik sa usapin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.