Lalaking nagsimula ng sunog sa Navotas City, arestado

By Justinne Punsalang May 22, 2018 - 03:59 AM

Kusang sumuko sa mga otoridad ang isang lalaking nagpakilalang nasa likod ng sunog na tumupok sa ilang kabahayan sa Barangay North Bay Boulevard sa Navotas City.

Nakilala ang lalaking si Vergel Valera na umaming naglasing muna bago sinilaban gamit ang posporo ang kanyang kwarto na nasa ikalawang palapag ng bahay.

Depensa ni Valera, problemado lamang siya dahil sa kanyang pamilya kaya nagawa ang panununog.

Aniya, muntik rin siyang masunog at mabuti na lamang ay mayroong tumulong sa kanyang makalabas sa nagliliyab na bahay.

Ayon sa mga otoridad, bagaman sumuko si Valera sa Navotas City Police ay hindi sapat ang kanyang pag-amin para makasuhan. Ito umano ay dahil sa nakainom si Valera nang sumuko at magbigay ng salaysay sa himpilan ng mga pulis.

Kaya naman patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad, partikular ang pagkalap ng ebidensyang magdidiin kay Valera sa krimen.

Sakaling mapatunayang siya nga ang nagsimula ng apoy ay mahaharap si Valera sa kasong arson.

Samantala, umabot sa P300,000 ang kabuuang pinsala na iniwan ng sunog.

Sa ngayon ay pansamantalang nakaditine si Valera sa Navotas City Police.

TAGS: Navotas City, Navotas City

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.