Remittance ng mga OFW sa unang bahagi ng taon, tumaas kumpara sa nakalipas na taon
Umabot sa 7.8 billion dollars ang halaga ng personal remittances o ipinadadalang pera ng mga Overseas Filipinos para sa unang bahagi ng taong 2018.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), mas mataas ang nasabing halaga ng 1.3-percent kumpara sa naitala noong nakalipas na taon.
Ayon kay BSP Officer-in-Charge Diwa Guinigundo, 77.5-percent o 6.1 billion dollars ng personal remittances ay mula sa mga land-based workers na may kontrara na isang taon o higit pa, habang 20-percent o 1.6-billion dollars ay mula naman sa mga sea-based workers at mga manggagawa na may kontrata sa trabaho na mas mababa sa isang taon.
Gayunman, tinukoy ng BSP na bumaba ng 9.9-percent ang personal remittances noong March 2018 na naitala sa 2.6-billion dollars kumpara sa naitala noong Marso ng nakalipas na taon.
Ilan umano sa maaring dahilan ng pagbaba ng remittance noong Marso ay ang mas kaunting bilang ng banking days sa nabanggit na buwan dahil ang Semana Santa ay pumatak sa huling linggo ng Marso.
Maaring nakaapekto rin umano ang patuloy na repatriation ng mga Pilipinong manggagawa mula sa Middle East, lalu pa’t ayon sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), noong February 8, 2018 ay umabot na sa mahigit isang libong Pilipinong manggagawa ang na-repatriate mula sa Kuwait.
Ang bulto o mahigit 80-percent ng remittance sa unang tatlong buwan ng 2018 ay nanggaling sa Estados Unidos, United Arab Emirates, Japan, Singapore, United Kingdom, Canada, Qatar, Germany at Hong Kong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.