Pangulong Duterte iginiit na ibinaba ang arbitral ruling sa WPS sa PNoy admin
Iginigiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibinaba sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang arbitral ruling ng United Nations (UN) na nagbibigay sa Pilipinas ng karapatan sa mga pinag-aagawang mga isla sa West Philippine Sea.
Ito ang sagot ng pangulo sa mga akusasyon ng mga kritiko na wala siyang ginagawang hakbang upang tugunan ang sigalot sa pinag-aagawang mga teritoryo.
Sa kanyang talumpati sa Talisay City, Negros Occidental hinimok ng pangulo ang publiko na huwag maniwala sa mga ulat na ibinaba ang desisyon ng International Tribunal sa panahon ng pagsisimula niya sa termino.
Ayon kay Duterte, ibinaba ang desisyon dalawa o tatlong buwan bago siya maupo sa pwesto ngunit dumating lamang ang papel nang siya ay presidente na.
Hindi ito ang unang beses na sinabi ng pangulo na ang ruling ay ibinaba sa panahon pa ni Aquino.
Ang desisyon ng tribunal ay ibinaba noong July 12, 2016 o halos dalawang linggo nang maupo sa pwesto si Duterte.
Gayunman, ay pansamantalang isinantabi ni Duterte ito para mapaganda ang relasyon sa China ngunit tiniyak na tutugunan niya rin ang isyu bago matapos ang kanyang termino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.