Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na maglalaan ang pamahalaan ng pabahay para sa mga rebelde na magbabalik-loob sa pamahalaan.
Sa groundbreaking ceremony ng Vista Alegre Homes sa Negros Occidental, sinabi ng pangulo na bagaman mayroong pabahay para sa mga susukong rebelde ay mas maliit ito kung ikukumpara sa pabahay na para naman sa mga sundalo at pulis.
Ang Vista Alegre Homes naman ay pabahay ng National Housing Authority (NHA) na nakalaan para halos 1,000 pamilya ng mga pulis at sundalo. Inaasahang matatapos ang pabahay sa 2020.
Sa ilalim ng programang ito, P5,000 lamang ang kailangang bayaran para sa kada isang unit ng bahay.
Samantala, sinabi rin ni Pangulong Duterte na handa rin siyang bigyan ng housing assistance ang mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Ngunit hiling ng pangulo, huwag naman masyadong malaki ang i-demand ng Kadamay mula sa pamahalaan.
Aniya, hihingi siya ng tulong sa Kongreso upang mapalawig ang land reform area at mabigyan ng matutuluyan ang Kadamay.
Matatandaang iligal na inokupa ng Kadamay ang pabahay ng pamahalaan para sa mga sundalo at pulis sa Pandi, Bulacan matapos silang paalisin naman sa kanilang tinutuluyan sa Quezon City.