House Justice Committee Chair Umali tinawag na duwag ni Rep. Villarin
Karuwagan para kay Akbayan Representative Tom Villarin ang balak ni House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali na ihinto ang impeachment proceedings laban kay dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Villarin, pagiging duwag ang pahayag ni Umali dahil sa nauna nitong pahayag na hindi na i-transmit sa Senado ang articles of impeachment laban kay Sereno dahil sa posibleng magdulot ito ng constitutional crisis.
Paliwanag ni Villarin, napagbotohan sa Justice Committee na may probable cause para ma-impeach si Sererno kaya naman nangangahulugan ito na mayroon silang mga ebidensiya.
Dahil dito hindi aniya dapat matakot si Umali at dapat itong panindigan ng Kamara.
Paliwanag pa ni Villarin na maging si SC Senior Associate Justice Antonio Carpio sa kanyang dissenting opinion ay nagsabi na nilabag ni Sereno ang Constitution at betrayal of public trust nang paulit-ulit na hindi maghain ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Iginiit pa ng kongresista na tanging ang impeachment lang ang paraan para maalis ang isang impeachable official tulad ni Sereno sa kanyang puwesto at dapat itong ma-realize ng liderato ng Kamara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.