Sinibak sa puwesto ng Philippine National Police (PNP) ang provincial director ng La Union Police at hepe ng Agoo Police matapos ang pananambang kay dating Congressman Eufranio Eriguel.
Ayon kay PNP Regional Director Chief Superintendent Romeo Sapitula, sinibak sa pwesto sina Police Chief Inspector Alfredo Padilla Jr., hepe ng Agoo Police Station at La Union Provincial Director Senior Superintendent Genaro Sapiera.
Ayon kay Sapitula, sinibak ang dalawa base na rin sa utos mula sa PNP Headquarters.
Una nang inilagay ang dalawang opisyal sa Special Investigation Task Group na inataasang magsagawa ng imbestigasyon sa pagkakapatay kay Eriguel.
Matatandaang pinatay si Eriguel noong May 12 kasama ang dalawang bodyguard habang nagsasalita sa general assembly ng mga kandidato sa katatapos na barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.