US at South Korea pinag-usapan ang banta ng NoKor na ikansela ang summit

AP Photo

Nagpulong sina US President Donald Trump at South Korean President Moon Jae-In ngayong araw upang pag-usapan ang banta ng North Korea na ikansela na ang summit na gaganapin sa susunod na buwan.

Matatandaang sinabi ng NoKor sa pamamagitan ng KCNA news agency na gusto na ng kanilang bansa na mag-backout sa naturang summit dahil sa demand ng Estados Unidos na magkaroon ng unilateral nuclear abandonment.

Maging ang high-level meeting ng NoKor kasama ang South Korea ay kinansela rin ng Pyongyang dahil sa joint military exercises ng Seoul at Washington.

Sa isang pahayag, sinabi ng South Korea na nagkausap sina Moon at Trump kung saan nagpalitan ang mga ito ng pananaw tungkol sa biglang pagbabago ng isip ng North Korea.

Ayon pa sa pahayag na inilabas ng South Korea, napagkasunduan ni Moon at Trump na magtutulungan ang kanilang mga bansa upang maging matagumpay ang summit na isasagawa sa Singapore.

Sa summit na ito dapat ang magiging unang beses na pagkikita at pag-uusap ang mga pinuno ng Estados Unidos at North Korea.

Read more...