Nagpahayag ng pagkabahala si Sen. Panfilo Lacson sa paglalagay ng China ng bomber planes sa South China Sea at hinimok ang gobyerno ng Pilipinas na gumawa ng paraan upang pigilan ang patuloy na militarisasyon sa pinag-aagawang mga isla.
Ito ay matapos ang paglapag sa Woody Islands ng aircraft bombers ng Chinese Air Force noong Biyernes.
Sa isang pahayag, sinabi ng Chinese authorities na ang deployment ng bombers ay upang mapalawig ang abilidad ng Chinese Air Force na maabot ang mga teritoryo at makapagsagawa ng strikes sa lahat ng oras at direksyon.
Pinangangambahan na maaaring direktang tamaan ang Pilipinas ng nasabing mga bombers dahil pasok umano ang bansa sa radius na abot ng mga ito.
Ayon kay Lacson, sang-ayon siya sa pangulo na hindi maaaring maghamon ang Pilipinas ng giyera sa China.
Gayunman anya ay makakatulong kung hihimukin ng Pilipinas ang kaalyadong mga malalaking bansa na i-pressure ang China na ihinto ang militarisasyon nito sa pinag-aagawang mga teritoryo.
Anya pa, dapat ay panghawakan ng Pilipinas ang territorial rights nito sa mga isla sa pamamagitan ng arbitral ruling ng United Nations na nag-iitsapwera sa nine-dash line na iginigiit ng China.