2 sundalo, sugatan sa pagsabog ng landmine sa Zamboanga del Norte
Sugatan ang dalawang sundalo matapos pasabugin ng mga hinihinalang miyembro ng komunistang grupo ang itinanim na landmine sa Palalian Bridge sa Kalawit, Zamboanga del Norte.
Ayon kay Western Mindanao police spokesperson CInsp. Helen Galvez, binabaybay ng mga tropa mula sa Charlie Company ng 42nd Infantry Battalion ng Philippine Army ang naturang tulay nang biglang mamataan ang hindi bababa sa tatlong armadong lalaki na may itinatanim na gamit sa tulay.
Habang papalapit ang mga sundalo, pinasabog aniya ng mga rebelde ang landmine kung kaya’t nasugatan ang dalawang sundalo.
Hindi naman muna ipinaalam ang pagkakakilanlan ng mga sugatang sundalo.
Hindi pa rin malinaw kung nasira ang tulay bunsod ng pagsabog.
Ayon kay Major Ronald Suscano, public affairs chief ng 1st Infantry Division, New People’s Army (NPA) ang nagsasagawa ng mga pag-atake sa ilang bahagi ng Kalawit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.