2 magkapatid, patay matapos ma-food poison sa Davao del Sur
Patay ang magkapatid matapos ma-food poison umano sa bayan ng Sta. Cruz, Davao del Sur.
Ayon kay Sta. Cruz police chief Sr. Insp. Arnold Absin, nagdala ng lutong ulam na baboy ang tatay ng pamilyang nabiktima na si Jobert Rusia mula sa pinuntahang kasal sa Barangay Bitaug.
Ito na ang kinaing hapunan ng kaniyang asawa at tatlong anak para sa hapunan.
Matapos ang ilang minuto, hindi na naging komportable ang pakiramdam ng pamilya at nakaranas pa ng pagsusuka.
Agad namang naisugod sa ospital ang pamilya.
Gayunman, nasawi pa rin ang dalawang anak ni Jobert na sina Jolly Mar, 5-anyos, at Joe Marie, 3-anyos.
Patuloy namang ginagamot ang ina ng mga bata na si Marina, 32-anyos at isang anak na si Jenrose, 1-anyos, at kamag-anak na si Adoniper, 11-anyos.
Ayon kay Jobert, kumain ng sea shells ang kanilang pamilya bandang 4:00 ng hapon bago kumain ng lutong ulam na baboy.
Nang tanungin ang ilang kapitbahay na kumain din ng sea shells, hindi naman anila sumama ang kanilang pakiramdam.
Sa ngayon, sinabi ng Sta. Cruz health office na nakakuha na ng sample ng lutong ulam para masuri.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.