66 na mga bagong pulis mula sa PNPA class ‘Maragtas’ sasailalim sa SAF training
Dalawang buwan matapos silang makapagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA), sasailalim sa anim na buwang Special Action Force commando training ang 66 na bagong mga police inspectors mula sa “Maragtas” Class of 2018.
Binanggit ito ni PNP chief Director General Oscar Albayalde sa press briefing matapos ang Badge of Honor ceremony na idinaos sa Camp Crame sa Quezon City.
Ani Albayalde sakop ng SAF traning ang basic, internal and security operations course.
Sinabi ni Chief Superintendent Regino Catiis, deputy director ng PNP Directorate for Human Resource and Doctrine Development sa ngayon ang 66 na bagong mga pulis ay nasa ikalimang araw na ng kanilang 20-day Patrol Officers Basic Course.
Matapos ito, dadaan naman sila sa 45-day Investigation Officers Basic Course at saka pa lang sasabak sa SAF commando training.
Pagkatapos ng kanilang training ay saka pa lang pagpapasyahan ang kanilang magiging assignment.
Sampu naman sa mga bagong pulis ng Maragtas Class ay sasailalim sa Scout Rangers training course.
Ang PNPA Maragtas Class of 2018 ay binubuo ng 106 na inspectors, 76 sa kanila ay napunta sa PNP, habang ang 13 ay sa Bureau of Jail Management and Penology at ang 17 ay sa Bureau of Fire Protection.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.