Pagpapalit ng aircon units ng LRT-2 tatagal ng 8 hanggang 12 buwan

Tinatarget ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na mapalitan na ang lahat ng air-conditioning units ng mga tren ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa loob ng walo hanggang 12 buwan.

Matatandaang ilan sa mga commuter ng linya ng tren ang nagrereklamo dahil sa init sa loob ng mga bagon.

Ayon sa LRTA, lumagda na sila kasama ang Multi-Scan Corp at Mrail Inc. sa isang kontrata na nagkakahalaga ng P350 milyon para sa 80 aircon units ng 10 tumatakbong trains ng LRT-2.

Sinabi ni LRTA Administrator Reynald Berroya sa panayam ng media na kaya tatagal ang pagpapalit sa mga aircon units ay dahil obsolete na ang mga piyesa ng air conditioners ng LRT-2.

Ayon kay Berroya ay unti-unting papalitan ang mga aircon units na makakasabay sa monitoring system ng tren at pawang energy-efficient at environment-friendly alinsunod sa Clean Air Act.

Kabilang ang pagpapalit sa air-conditioning system ng LRT-2 sa modernization programs ng linya ng tren.

Read more...