Mga Pinoy binalaan kontra pekeng job offer sa Malaysia

 

Inquirer file photo

Pinaalalahan ng Philippine Embassy sa Kuala Lumpur, Malaysia ang mga Pinoy na umiwas sa mga alok ng trabaho sa naturang bansa kapalit ng malaking suweldo.

Ito’y matapos mabiktima ang isang grupo ng mga Pinoy OFW sa Sarawak State ng sindikato.

Sa advisory ng embahada, sinasabi na ilang mga OFW ang pinangakuan ng mataas na suweldo kapalit ng pagtatrabaho sa Miri at Bintulu sa Sarawak ngunit kalaunan ay ipinapasok bilang mga GRO sa mga bar o di kaya ay mga waiter at waitress.

Bukod dito, hindi rin makaalis sa kanilang mga kinasadlakang trabaho ang mga Pinoy dahil hawak ng mga employer ang kanilang pasaporte.

Karaniwang ipinapasok aniya ang mga Pinoy sa naturang bansa gamit ang tourist visa.

Giit ng embahada, hindi maaring magtrabaho sa Malaysia ang isang Pinoy na ang hawak ay tourist visa lamang.

Kailangan aniyang kumuha ng lehitimong employment visa bago makapagtrabaho sa ibang bansa.

Pinayuhan ng embahada ang mga Pilipino na makipag-ugnayan lamang sa mga lehitimong ahensya na accredited ng POEA upang makaiwas na mabiktima ng sindikato ng human trafficking.

Read more...