Ibinunyag ni Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco Belgica na may bagong modus operandi ngayon ang sindikato ng mga smuggler sa bansa na dumadaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Belgica, ‘sundo system’ ang ginagawa ngayon ng mga smuggler at ginagamit ang mga assistant secretaries, prosecutors, mga opisyal ng Bureau of Customs at iba pang sangay ng pamahalaan.
Sinusundo aniya ng mga opisyal ng gobyerno ang mga kontrabando para makalusot sa Customs.
Una rito, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendido na sina Atty Ambrosi Basman; Atty Rohani Basman; Amisa Lumuntod; Amilquir Macabando, ex-Mayor of Marawi City; Atty. Samina Sampaco Macabando-Usman, DOJ Prosecutor; OIC Pasay City Prosecutor Atty. Benjamin B. Lanto, Lumuntod Macabando; Inquest Prosecutor Clemente Villanueva; Assistant Prosecutor Florenzo Dela Cruz at NAIA District Collector Ramon Anquilan.
Si DOJ Asec. Moslemen Macarambon naman ay pinagbitiw sa pwesto dahil sa kasong smuggling ng ginto.
Ayon ay Belgica, hindi lang ginto ang ipinapasok ng mga smuggler kundi maging ang ilegal na droga.
Taong 2012 pa aniya nagsimulang magsagawa ng operasyon ang sindikato.
Kung susumahin, aabot na umano sa P10 Billion na halaga ng mga kontrabando ang naipasok ng sindikato matapos ang 133 na beses na smuggling activities.
Galing aniya ng Dubai at Bangkok ang mga kontrabando.