Senator Leila de Lima naghain ng urgent motion para makadalo sa graduation ng anak
Naghain ng mosyon sa mababang korte si Senator Leila de Lima para siya ay payagang pansamantalang makalabas ng bilangguan upang makadalo sa graduation ng anak.
Sa inihaing very urgent motion for furlough ni De Lima sa Muntinlupa City RTC Branch 205, hiniling nitong payagan siya na makadalo sa graduation ng bunso niyang anak na si Vincent Joshua De Lima Bohol.
Ang anak ni De Lima ay magtatapos ng Bachelor of Laws sa San Beda College – Alabang at ang graduation nito ay nakatakda sa June 3, 2018.
Partikular na hiniling ni De Lima na payagan siyang dumalo sa aktibidad na ang oras ay mula 2:00 ng hapon at tatagal hanggang alas 7:00 ng gabi.
Binanggit din sa mosyon ng kampo ni De Lima na sa ibang mga kaso, pinapayagan ng mga korte ang pansamantalang paglabas ng kulungan ng mga akusado.
Partikular aniyang binibigyang furlough ang mga akusado para magdiwang ng kaarawan, Pasko, at Bagong Taon.
Ang Sandiganbayan, may mga kasaysayan din na nagbibigay ng furlough sa mga akusado para dumalo sa lamay ng nasawing kaanak, sumailaim sa dental surgery at iba pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.