Full-audit sa mga may kasong pulis ipinamamadali ng DILG

sarmiento
Inquirer file photo

Ipinamamadali ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mel Senen Sarmiento sa NAPOLCOM ang pagsasagawa ng audit sa lahat ng mga kasong kinasasangkutan ng mga pulis partikular na ang nasasangkot sa karumaldumal na krimen.

Iginiit ni Sarmiento na standard operating procedure na agad disarmahan ang mga pulis na nasasangkot na sa mga kasong kriminal at aniya ay mga pulis naman na may mabibigat na kaso ay dapat agad ilagay sa restrictive custody maliban na lang kung iba ang utos ng korte.

Ginawa ito ni Sarmiento matapos iharap sa kanya ang pulis-Maynila na si PO2 Manuel Fuentes na nakita sa CCTV footage ang panunutok ng baril sa mga residente sa Tondo.

Nadiskubre ng kalihim na suspindido si Fuentes dahil sa kasong kidnapping at pangongotong at nang mahuli ito noong Hulyo ay sinuspindi din ito dahil naman sa kasong grave misconduct.

Binanggit ni Sarmiento na sa kanyang pagtantiya may dalawandaan pang kaso laban sa mga pulis ang nakabinbin sa NAPOLCOM at napansin niya na ang ilan sa mga ito ay naninilaw na ang mga dokumento dahil sa tagal ng proseso.

Sinabi pa nito na hindi rin makatarungan sa mga pulis na nahaharap lang sa mga harassement complaints kung napapatagal ang desisyon ng NAPOLCOM.

Read more...