Nakapagsumite na ng ilan sa mga hinihinging report at dokumento ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema kaugnay ng war on drugs ng Administrasyong Duterte.
Ito ay bilang pagtalima sa kautusan ng Korte Suprema kaugnay ng petisyong inihain ng ng grupo nina Aileen Almora at Sister Ma. Juanita Daño na parehong humihirit ng writ of amparo dahil sa naganap na mga patayan dahil sa kampanya kontra iligal na droga.
Sa 12-pahinang compliance, kasama sa mga isinumite ng OSG ang case folder ng tatlumpu’t tatlong namatay at isang nasugatan sa operasyon ng pulisya laban sa droga; ang listahan ng mga naarestong Chinese at Filipino-Chinese mula 2003 hanggang 2017; at statistics ng PNP Internal Cleansing.
Isinumite rin ng OSG ang bilang ng mga buy-bust incident sa San Andres Bukid mula July 1, 2016 hanggang November 30, 2017 at drug watch lists sa Sta. Ana Maynila.
Maging ang summary ng mga kasong administratibo ng National Internal Affairs Service (NIAS) ng PNP at mga tanggapan nito mula sa Region 1 hanggang Region 13, NCR at ARMM kaugnay ng pagpapatupad ng Anti-Illegal Drugs Operation; pati na ang imbestigasyon, summary hearing at pre-charge investigation ng NIAS sa mga operasyon laban sa droga magmula July 2016 hanggang December 2017.
Nagbigay din ang OSG ng kopya sa Korte Suprema ng Double Barrel Alpha, memorandum kaugnay sa pagpapatupad ng National Anti-Drug Plan of Action; pahayag ni Pangulong Duterte na lansagin ang iligal na droga; Revised PNP Manual on Anti-Illegal Drugs Operations; at mga memorandum mula sa National Police Commission at Dangerous Drugs Board kaugnay sa kampanya laban sa iligal na droga.
Kaugnay nito, humirit ang OSG ng karagdagang panahon para sa pagsusumite ng iba pang dokumento na hinihingi ng Korte Suprema.