Mga appointed tourism officials pinagbibitiw na sa pwesto
Pinagsusumite ng bagong kalihim ng Department of Tourism ng kanilang courtesy resignations ang lahat ng mga undersecretaries at assistant secretaries ng kagawaran.
Sa kanyang pag-upo sa bagong pwesto ay sinabi ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat na gusto niyang magkaroon ng mga sariling tauhan na makakasama sa trabaho.
Sinabi pa ni Puyat na malinaw naman ang sinabi sa kanya ng pangulo na mayroon siyang free hand sa pagtatalaga ng mga bagong opisyal sa DOT.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na hindi siya bago sa pamahalaan at sa loob ng kanyang labingdalawang taon sa gobyerno ay lagi umano siyang nagsusumite ng courtesy resignation kapag may mga bagong opisyal na naitatalaga sa mga ahensiyang kanyang pinaglingkuran.
Si Puyat ay dating nagtrabaho sa Office of the President noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bago siya nalipat sa Agriculture Department noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino at sa ilalim ng Duterte administration.
Tiniyak rin ng opisyal na magiging maingat siya sa paggamit ng pondo ng DOT sa gitna na rin ng imbestigasyon sa kwestyunableng advertisement ads nito sa program ni Ben Tulfo sa PTV 4 na umaabot sa P60 Million.
Si Puyat ay anak ni dating senador at dating Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.