Imbestigasyon ng DOJ laban kay ex-DOH Sec. Garin, magsisimula ngayong araw
Nakatakdang simulan ngayong araw ang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa mga kasong kriminal na nakahain laban kay dating Department of Health (DOH) Secretary Janette Garin tungkol sa Dengvaxia controversy.
Pamumunuan ang DOJ panel ni Senior Assistant State Prosecutor Rossane Balauag at kanyang ipinatawag para sa imbestigasyon ngayong araw si Garin maging ang kasalukuyang kalihim ng DOH na si Secretary Francisco Duque III.
Matatandaang ang naghain ng reklamo laban sa mga ito ay ang pamilya ng siyam na mga kabataang namatay matapos mabakunahan ng kontrobersyal na anti-dengue vaccine.
Bukod sa personal appearance ay kailangan rin magsumite nina Garin, Duque, at iba pang mga opisyal ng DOH, Sanofi Pasteur, at Zuellig Pharma ng counter-affidavit para sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at obstruction of justice sa ilalim ng Revised Penal Code.
Ngayong araw rin didinggin ng DOJ panel ang kasong isinampa ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) laban kina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio Abad.
Inaasahang darating sa pagdinig sina Aquino at Abad, bitbit ang kanilang kontra salaysay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.