WATCH: Mga Senior citizens at may kapansanan, idinaing ang hirap na pagboto
Inabutan ng Radyo Inquier ang 68-anyos na si Lola Silahis Oriondo sa isang sulok ng San Isidro National High School sa Makati City na tila naguguluhan sa kanyang nasasaksihan.
Maagang gumising si Lola Silahis para maagang makaboto ngunit mahigit isang oras na ay hindi pa rin niya nahahanap ang kanyang presinto.
Isa lang si Lola Silahis sa mga senior citizens at persons with disability sa mga dumaing sa kakulangan ng pag alalay sa kanila para makaboto.
Matapos makausap ng Radyo Inquirer si Lola Silahis ay isang matandang lalaki na nakaupo sa wheelchair ang nakita namin na pinagtutulungang buhatin ng mga volunteers, katatapos lang niya bumoto sa 3rd floor ng paaralan.
Kasunod nito ay isang mag asawang matanda naman ang nakasalubong ng Radyo Inquirer sa second floor.
Ayon kay Job Ferrer, ang principal ng paaralan, walang malinaw na direktiba sa kanila ang Comelec ukol sa pagboto ng mga senior at PWDs.
Sa ground floor lobby ng paaralan ay nagtambakan na ang mga senior at PWDs na naghihintay ng aalalay sa kanila para makaboto.
Isa sa kanila si Lola Lydia Balitaan na dahil sa diabetes ay nawala na ang paningin kaya’t kasama niya ang anak na si Baby para ito na lang ang susulat sa balota.
Makalipas ang ilang minuto inanunsiyo na ni Ferrer na hindi na kailangan pang-umakyat ng mga matatanda at may kapansanan, may bababa na election officer para gabayan sila sa pagboto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.