Nagsisillbing board of election inspectors (BEI) ang mga pulis sa 31 polling precincts ng mga barangay ng Datu Ismael at H-2 sa Dasmariñas, Cavite.
Ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar, hepe ng Calabarzon o Region 4-A police, dalawa sa kada tatlong myembro ng BEI sa bawat presinto ang pulis, habang ang nagsisilbing chairman ng BEI ay isang guro.
Ipinahayag ni Eleazar na nagtalaga siya ng 62 na mga pulis sa naturang polling precincts matapos humingi ng tulong ang Commission on Elections (Comelec). Kinulang kasi ang lugar sa mga guro na nag-volunteer na magsilbi sa eleksyon.
Ayon kay Eleazar, bunsod na rin ito ng takot sa pangha-harass. Aniya, may kasaysayan na rin ng karahasan ang lugar.
Samantala, ayon sa Region 4-A police na wala pa silang naitatalang election-related violence. Umaasa si Eleazar na mananatiling matiwasay ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.