DOJ, inapela ang pagbasura ng korte sa kaso ng droga vs. Taguba at 8 iba pa
Inapela ng Department of Justice (DOJ) sa Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) na ang kasong drug transportation and delivery laban kay Customs fixer Mark Taguba at walong iba pa kaugnay ng P6.4 bilyong shabu shipment mula China.
Inihain ng DOJ ang motion for reconsideration na hinihiling kay Valenzuela City RTC Branch 284 Judge Arthur Melicor na buhayin o i-reinstate ang kaso laban kay Taguba at mga kapwa-akusado nito.
Ibinasura ng Valenzuela City RTC ang kaso dahil pareho rin ang mga argumento ng kasong drug importation case na isinampa laban sa mga parehong tao sa Manila RTC. Ayon kay Melicor, maituturing itong forum shopping. Ito ay ang pagsasampa ng dalawa o higit pang kaso sa parehong dahilan sa dalawa o higit pang korte para makakuha ng paborableng desisyon sa isa sa mga korte.
Iginiit ng prosekusyon ng DOJ na hindi maituturing na forum-shopping ang kaso laban kay Taguba at walong iba pa. Anila, wala pang finality o hindi pa tapos ang kasong nakahain sa Manila RTC at wala pa itong epekto sa kasong nakahain sa Valenzuela RTC.
Dagdag ng DOJ, magkaiba ang elemento ng kasong drug transportation na isinampa sa Valenzuela RTC at kasong drug importation na isinampa sa Manila RTC sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Una nang ibinasura ng Valenzuela RTC Branch 171 ang kasong drug importation sa mga akusado dahil sa kawalan ng hursidiksyon dito, dahilan para muling isampa ang kaso sa Manila RTC.
Kapwa akusado ni Taguba sa kasong drug transportation na inihain sa Valenzuela RTC sina Eirene Tatad, Richard Tan o Richard Chen, Manny Li, Kenneth Dong, Teejay Marcellana, Chen I-Min, Jhu Ming Jyun, at Chen Rong Huan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.