Mga jeep na may sakay na mga “hakot” na botante, naharang ng i-ACT

DOTr Photo

Naharang ng mga tauhan ng Inter Agency Council on Traffic ang mga pampasaherong jeep na may sakay na mga “hakot” na botante.

Isang jeep din ang hinarang ng i-ACT dahil sa paggamit ng “Comelec service vehicle” na signage ng walang permiso.

Maaga pa lamang ikinasa na ng i-ACT ang kanilang Project HOPE o Honest, Orderly, Peaceful Elections sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Ayon sa i-ACT layon ng Project HOPE na bantayan ang mga pampasahering sasakyan na posibleng gamitin sa paghahakot ng botante lalo na kung ang mga sakay nito ay flying voters.

Kabilang sa naharap ang dalawang jeep na may sakay na mga botante galing sa Brgy. Bagombong, Caloocan City at dadalhin sila sa isang barangay sa Quezon City para doon bumoto.

Isang jeep naman na may linyang MCU-Divisoria ang hinarang ng i-ACT dahil nakita ito sa lugar na labas sa kaniyang linya at nang tanungin ang mga sakay nitong pasahero sinabi nilang inarkila nila ang jeep at nagbayad sila ng P100 para sa back-and-forth na serbisyo.

Samantala, isa pang jeep na nakitaan ng Comelec signage ang hinarang din nang i-ACT, nang hingan ng dokumento ay walang naipakitang permit ang driver nito na galing sa poll body.

Maghapon ang magiging operasyon ng i-ACT sa pagbabantay sa mga sasakyan na ginagamit sa pagbiyahe sa mga hakot na botante.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...