13 patay sa mga pagpapasabog ng simbahan sa Indonesia

AFP Photo

Nasawi ang 13 katao, habang 41 ang sugatan matapos magpasabog sa magkakaibang lugar, kabilang ang isang simbahan sa Surabaya, Indonesia, Linggo ng umaga.

Ayon kay East Java Police spokesperson Frans Barung Mangera, kabilang ang dalawang pulis sa mga nasugatan.

Tatlong magkakaibang simbahan ang pinasabog, at ito ang Santa Maria Roman Catholic Church, Christian Church of Diponegoro, at Surabaya Centre Pentacostal Church.

Sa ngayon ay sinabi na ng ISIS na sila ang responsable sa pag-aatake.
At batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, isang pamilya na binubuo ng anim na miyembro, kabilang ang dalawang bata ang silang nagsagawa ng pag-atake.

Ayon kay Indonesian national police chief Tito Karnavian, ang padre de pamilya ang siyang nagpasabog ng bomba sa isang sasakyan, habang ang kanyang dalawang lalaking anak, edad 16 at 18 ang sila namang nagpasabog ng isang motorsiklo. Kasama naman ng ina ng pamilya ang kanyang dalawang anak na babae edad 9 at 12 nang magpasabog din ng bomba.

Personal na binisita ni Indonesian President Joko Widodo ang mga pinasabog na simbahan at tinawag ang mga pag-atake bilang ‘very barbaric and beyond the limit of humanity.’

Samantala, mariin namang kinundena ng Indonesia Church Association ang naturang mga pag-atake.

Read more...