Pangulong Duterte, walang kinalaman sa pagpapatalsik kay Sereno – Panelo
Nanindigan si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging desisyon ng mga mahistrado ng Korte Suprema na patalsikin sa pwesto si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay matapos ang muling paglutang ng mga ispekulasyon na ginamit ng pangulo ang kanyang mga galamay sa pagpapatalsik kay Sereno.
Ayon kay Panelo, wala sa karakter ng pangulo ang nakikialam sa mga kahalintulad na bagay.
“Out of character sa Presidente ang nakikialam diyan sa ganiyang bagay,” ayon kay Panelo.
Sinabi ng opisyal na hindi nakikialam ang pangulo mismong sa kanyang departamento at miyembro ng mga gabinete kaya lalong mas malabong makialam ito sa ibang sangay ng gobyerno.
“Unang-una, ni hindi nga siya nakikialam sa kaniyang mga departamento, sa kaniyang mga Cabinet members, eh lalo na sa ibang sangay ng gobyerno,” dagdag pa niya.
Matatandaang nagpahayag si Sereno na maaaring ipinag-utos ni Duterte kay Solicitor General Jose Calida ang paghahain ng quo warranto petition laban sa kanya.
Bumoto ang mga mahistrado ng Korte Suprema ng 8-6, pabor sa quo warranto petition ni Calida na nagbunsod upang mapatalsik si Sereno sa pwesto.
Siya ang kauna-unahang Punong Mahistrado sa kasaysayan ng bansa na napatalsik sa pamamagitan ng quo warranto petition.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.