2 sundalo patay, 8 iba pa sugatan sa engkwentro sa Negros Occidental
Dalawang sundalo ang patay habang walong iba pa ang sugatan sa sumiklab na engkwentro kontra sa mga komunistang rebelde sa Kabankalan, Negros Occidental Sabado ng umaga.
Naganap ang bakbakan sa bahagi ng Sitio Atubon sa Barangay Tan-wan makaraang sunugin ng mga rebelde ang isang heavy equipment na ginagamit sa konstruksyon ng water dam sa naturang barangay.
Ayon kay 303rd Infantry Brigade Civil Military Operations officer Capt. Ruel Llanes, nagsagawa ng clearing at combat operations ang 30 sundalo mula sa 62nd Infantry Battalion nang bilang umatake ang hindi bababa sa 60 pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) bandang 5:00 ng umaga.
Ang naturang operasyon ng militar ay para sana sa preparasyon sa May 14 elections.
Tumagal ng dalawang oras ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at rebeldeng grupo.
Samantala, walong barangay sa naturang lugar ang ikinonsidera bilang poll hotspots ng Commission on Elections (Comelec).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.