Huwag magpadala sa vote buying.
Ito ang paalala ni Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño sa publiko dalawang araw bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ayon kay Diño, dapat maging matalino ang mga botante dahil posibleng galing sa iligal na gawain ang pera na ginagamit sa vote buying.
Tanong niya, kung ngayon pa lang ay daang libo at milyon na ang nagagastos ng mga kandidato, paano kaya nila babawiin ito?
Paliwanag ni Diño, posibleng sa overprice project at ghost delivery bumawi ang mga pulitiko o hindi kaya naman sa transakyon ng iligal na droga.
Una nang sinabi ni Diño na nakatatanggap sila ng sumbong na nasa 500 hanggang 2,500 ang presyohan ng bawat boto sa ilang lugar.
Hinimok naman ng opisyal ang mga mamamayan na kuhanan ng video ang mga insidente ng vote-buying para maparusahan ang mga gumagawa nito.