Puno pa rin ng pasasalamat ang Palasyo ng Malacañang sa publiko sa kabila ng pagbaba ng net satisfaction rating ng administrasyong Duterte.
Ayon sa SWS bumagsak ng 12 puntos ang grado ng gobyerno sa unang quarter ng 2018 na +58 na may klasipikasyong ‘good’ mula sa excellent rating na +70 noong December 2017.
Ayon kay Presidential Spokesperson Roque, manananatiling ‘committed’ ang gobyerno upang tugunan ang interes ng mas nakararaming mga mamamayan sa bansa partikular ang pagtiyak na walang pamilyang Filipino ang magugutom.
“Rest assured that the Duterte administration would continue to champion the interests of the greatest number of our countrymen, particularly in redoubling our efforts in ensuring that no Filipino family will ever be hungry,”ani Roque.
Dapat umanong mapansin na ang rating ng gobyerno sa Mindanao na tahanan ni Pangulong Duterte ay nananatiling ‘excellent’ habang nananatili namang ‘very good’ ang sa Balance Luzon at Visayas.
“It is noteworthy to mention that the current government’s rating remains ‘excellent’ in Mindanao, the President’s bailiwick, and stay ‘very good’ in Balance Luzon and Visayas,”
Sinabi ni Roque na maaaring ang excellent rating ng gobyerno sa Mindanao ay dahil sa mga pagsisikap ng administrasyong tulungan ang biktima ng giyera sa Marawi at ang rehabilitasyon ng lungsod.
Ipinagmalaki rin ng kalihim ang ginagawa ng gobyerno sa mga biktima ng sakuna, pagtulong sa mahihirap, pagtiyak sa kapakanan ng OFWs, paglaban sa terorismo, pagprotekta sa karapatang pantao at iba pa.