Bagyong Koppu papasok ng PAR ngayong araw
Inaasahang papasok na sa Philippine Area of Responsibility mamayang tanghali o hapon ang bagyong binabantayan ng PAGASA sa labas ng bansa.
Ayon kay PAGASA forecaster Jun Galang, isa nang tropical storm ang bagyong may international name na Koppu at inaasahan na lalakas pa ito habang papalapit ng bansa.
Huling namataan ang bagyo sa 1,675 kilometers east ng Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 80 kilometers kada oras.
Kumikilos ito sa direksyon kanluran sa bilis na 20 kilometers kada oras.
Sa sandaling pumasok ito ng bansa ay tatawagin itong Lando.
Ayon kay Galang, sa Huwebes ay maari nang maghatid ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan ang nasabing bagyo sa ilang bahagi ng Luzon.
Sa Biyernes ay posibleng magtataas na rin ng public storm warning signals ang PAGASA.
Inaasahang tatama sa kalupaan ng Northern Luzon ang nasabing bagyo sa darating na Sabado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.