Sereno: ilang tao, nagtangkang mag-ayos ng kanyang pulong kay Pangulong Duterte
Ibinunyag ng napatalsik na Chief Justice na si Maria Lourdes Sereno na may mga alok mula sa ilang indibidwal na mag-ayos ng pulong sa pagitan niya at ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Sereno, nakarating sa kanya ang alok kasunod ng pagsampa ng impeachment complaint laban sa kanya sa Kamara pero tinanggihan niya ito.
“May mga ideya na po na ganyan na ang parang sinasabi na ang solusyon sa problema mo ay isang pakikipag-usap o pakikipagbati [kay Presidente],” pahayag ni Sereno sa press conference ilang oras matapos ang desisyon ng Korte Suprema sa quo warranto petition na nagtanggal sa kanya sa pwesto.
Pero sinabihan umano ni Sereno ang mga taong gustong mag-ayos ng meeting nila ng Pangulo na kung makikipag-usap siya sa malalakas na pulitiko ay ano ang sasabihin ng taong bayan.
Samantala, sa naturang presscon ay hinimok ni Sereno ang kanyang mga taga-suporta na dalhin sa lansangan ang kanilang laban.
Gayunman, gagawin anya nila ang lahat ng legal na paraan kabilang ang pag-apela sa Supreme Court o paghahain ng Motion for Reconsideration.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.