Huwag magbiro tungkol sa bomba.
Ito ang paalala ng Aviation Security Group ng Philippine National Police matapos pansamantalang madetine ng kanilang hanay sa Dumaguete ang isang pasahero ng Philippine Airlines flight PR2546 na patungong Manila dahil sa bomb joke.
Ayon kay PNP Avsegroup Director Chief Supt Dionardo Carlos, bukod sa kaso na posibleng kaharapin ng nagbiro, labis kasi na abala ang maidudulot nito sa ibang mga pasahero na sakay ng eroplano.
Dagdag ni Carlos, palipad na sana ang naturang eroplano sa Dumaguete airport bandang 11:20 ng tanghali kamakalawa nang makatanggap ng request for Police Assistance ang Avsegroup Dumaguete mula sa CAAP personnel kaugnay sa pasahero na nag-bomb joke.
Ang pasahero ay dinala sa Dumaguete Airport Police Station at ni-release din matapos na magsagawa ng pag-check sa eroplano ang mga EOD/K-9 units at natagpuang negative sa bomba ang eroplano.
Alinsunod sa umiiral na presidential decree 1727, sinuman magbibiro ng bomba, o bomb joke sa eroplano, maging sa mga paliparan ang lalabag ay maaaring maharap sa pagkakakulong ng hanggang limang taon at hindi bababa sa P40,000 ang multa sa sinumang mapapatunayang sangkot sa bomb jokes.