Tila patuloy ang ginagawang militarisasyon ng China sa pinag-aagawang Spratly Islands matapos ang deployment ng military aircraft at higit isang dosenang warships bukod pa sa nauna nang napaulat na deployment ng missile systems.
Ito ang lumalabas sa satellite images mula sa Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) ng Center for Strategic and International Studies (CSIS).
Sa nasabing mga larawan, makikita ang deployment ng isang Shaani-Y8 military transport aircraft sa Zamora Reef.
Bunsod dito, ayon sa ulat ng AMTI, mahihinuhang nakapagdeploy na ng military aircraft sa tatlong airstrips ng China sa Spratly Islands.
Matatandaang namataan ng satellite monitoring ng AMTI ang presensya ng dalawang Xian Y-7 military transport aircrafts sa Panganiban Reef noong Enero.
Bukod pa sa military aircrafts na ito ay nagdeploy na rin ng iba pang military platforms ang China sa “Big Thee” naval and air outposts nito sa Kagitingan, Panganiban at Zamora Reefs.
Hindi na rin umano nakagugulat kung isang araw ay mayroon na ring mamamataang long-endurance surveillance drones ang China sa mga military outposts nito sa pinag-aagawang mga teritoryo.
Samantala, namataan na rin ang iba’t ibang uri ng 15 barkong pandigma at coast guard vessels sa man-made islands sa tatlong pinag-aagawang reefs.